Philippine Standard Time:
 
  • Home
  • News
  • PALAUI ISLAND, BUKAS NA MULI PARA SA MGA TURISTA

PALAUI ISLAND, BUKAS NA MULI PARA SA MGA TURISTA

By: PIA Region 2

Masisilayan na muli ang pino, maputing buhangin at nakamamanghang seascape at landscape ng Palaui Island sa bayan ng Santa Ana dito sa Cagayan simula ngayong araw.

Ito ay matapos na opisyal nang buksan muli ng Protected Area Management Board (PAMB) ang isla para sa mga turista na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) katuwang ang Department of Tourism (DOT), Cagayan Economic Zone Authourity (CEZA) at ng lokal na pamahalaan ng Santa Ana.

Ayon kay PENRO chief Engr. Eliseo Mabasa, para sa mga nagbabalak na bumisita sa naturang isla, kailangan lamang na mag-register sa itinalagang Registration Area kung saan kailangang magpakita ng valid ID na nagpapatunay na siya ang nagmamay-ari ng vaccination card.

Pinaalalahanan din ang mga turista na sa mga accredited boat operator lamang sumakay na kinabibilangan ng Palaui San Vicente Motor Banca Association (PASAMOBA) at tangkilin ang mga accredited tour guide na dumaan sa pagsasanay ng DOT.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang anumang uri ng vandalism, ang pagka-camping sa mismong isla, pagsisindi ng bonfire at pangunguha ng anumang wildlife resources na matatagpuan sa isla.

Sa mensahe ni Leonard Cruz, ang technical assistant at tumatayong OIC ng Cagayan Offices ng CEZA, ibinida nito naging posible ang muling pagbubukas ng Palaui Island dahil na rin sa pakikipagtulungan ng bawat miyembro ng PAMB at ng mga residente sa nasasakupan ng protected area.

Aniya, ang panunumbalik ng turismo sa bayan ng Santa Ana ay magiging malaking tulong upang makarekober mula sa epekto ng pandemiya lalo na’t tinaguriang ‘Number 1 Tourism Destination’ ang Santa Ana ayon na rin sa datos ng DOT dito sa rehiyon.

“Mahalin natin ang kalikasan. Ito ang paraan ng CEZA upang kayo’y tulungan hindi lamang ang pagbabalik ng turismo rito kundi ang muling makapaghanap-buhay ang mga boat operator, tour guide, at iba pang tourism stakeholders,” sinabi pa ni Cruz.

Nakikiusap naman si Mayor Nelson Robinion para sa kooperasyon ng mga residente lalo na ang mga grupo na direktang may hawak sa operasyon ng Palaui Island na siguraduhin na nasusunod sa lahat ng oras ang mga inilatag na protocols ng PAMB.

“Nagpapasalamat tayo sa lahat ng agencies upang maging posible na masaksihan muli ng publiko ang ganda ng isla. Mahalin natin ito. Huwag nating hayaan na bibisita ang PAMB dito upang pagalitan tayo dahil hindi nasusunod ang mga protocol,” paalala pa ng alkalde.

Pinasalamatan naman ni DOT Regional Director Fanibeth Domingo ang dedikasyon at pagod na ginugol ng CEZA tourism division at ng Santa Ana Municipal Tourism Office mula sa kabi-kabilaang pagpupulong at paghahanda hanggang sa araw ng muling paglulunsad.

Sa unti-unting pagbubukas ng turismo, hiniling din nito sa Sangguniang Bayan ng Santa Ana na magkaroon ng isang permanenteng tourism officer ang nasabing bayan at isang tourism office dahil inaasahan na dadagsa ang turista na bibisita sa tinaguriang ‘Your Adventure Paradise’.

Samantala, sinabi naman ni DENR Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan na bagama’t isang tourism destination ang Palaui Island na maaaring mag-enjoy ang mga turista, ipinaalala nito na ito ay isang ‘ecological tourism’ na magiging daan din upang matuto ang mga turista sa mga natural na yaman ng isla.

Namahagi rin sa nasabing aktibidad ang DENR ng mga bagong life vest na maaaring gamitin ng accredited boat operators.

Ibinahagi rin ni Bambalan na noong 2020, nagbigay ang DENR ng isang milyong piso para sa emergency employment ng hindi bababa sa 160 pamilya sa nasabing isla.

Pinaganda rin ng DENR ang mga pasilidad sa Palaui Island Protected Landscape and Seascape (PIPLS) na may pondong P4.7 milyon.

Sa huling DENR statistics, ang naturang marine protected area ay may lawak na 102 ektarya ng mangrove, 1,008 ektarya ng coral reef at 472 ektarya ng seagrass.

Matatandaan na taong 2014 ay naitampok ang ganda ng Palaui Island sa buong mundo nang idinaos dito ang ika-27 na season ng sikat na US reality show na Survivor.

Source Link: https://www.facebook.com/piaregion02/posts/265415729096493

VISITOR COUNTER

358862
Users Today : 373
Users Yesterday : 1782
This Month : 4717
This Year : 202977
Total Users : 358862
Views Today : 1372
Total views : 2989739

REPUBLIC OF THE PHILIPPINES

All content is in the public domain unless otherwise stated.

ABOUT GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.